Ginugunita ngayong araw ang ika-pitumpu’t anim na taon ng Araw ng Kagitingan na may temang ‘Kagitingan at pagmamahal sa Pilipinas para sa tunay na pagbabago’.
Pangungunahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang commemoration rites ng Araw ng Kagitingan sa Mount Samat Shrine sa Pilar, Bataan.
Si Medialdea ang itinalagang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakdang lumipad patungong China ngayong araw rin na ito para dumalo sa Boao Forum.
Magsisimula ang programa mamayang alas-9:00 ng umaga sa pamamagitan ng wreath laying ceremony na pangungunahan ni Medialdea kasama sina Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda at ang Charge d’ Affaires ng US Embassy na si Michael Klecheski.
Samantala , kilala rin sa tawag na “Bataan Day” ang “Araw ng Kagitingan” na ipinagdiriwang sa bansa tuwing Abril 9.
Inaalala ang kagitingan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na nagsakripisyo at nagbuwis ng buhay noong World War 2.
—-