Napanatili ng bagyong Odette ang lakas nito habang ganap nang tumama sa kalupaang sakop ng lalawigan ng Palawan kaninang ala-una ng hapon.
Batay sa pinakahuling datos ng PAGASA, namataan ang sentro ng bagyong Odette sa layong 130 kilometro Timog – Kanluran ng Cuyo, Palawan o 155 kilometro Silangan, Hilagang-Silangan ng Puerto Princessa City.
Taglay pa rin ng Bagyong Odette ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro bawat oras malapit sa gitna at may pagbugsong aabot naman sa 215 kilometro bawat oras.
Patuloy na kumikilos ang bagyong Odette pa-Kanluran sa bilis na 25 kilometro bawat oras at inaasahan itong lalakas pa sa mga susunod na oras.
Dahil dito, nananatili ang lakas babala ng bagyo bilang 3 sa hilagang bahagi ng Palawan kabilang na ang Cagayancillo at Cuyo Island.
Signal number 2 naman sa katimugang bahagi ng Oriental Mindoro, Occidenal Mindoro, gitnang bahagi ng Palawan kabilang na ang Kalayaan at Calamian group of Islands.
Gayundin sa timog-kanlurang bahagi ng Negros Occidental, hilagang-kanluran at kanlurang bahagi ng Aklan, timog-kanlurang bahagi ng Capiz, katimugang Iloilo at isla ng Guimaras.
Habang signal number 1 ang nakataas sa Batangas, timog- silangang bahagi ng Quezon, Marinduque, Masbate at Romblon, kanlurang bahagi ng Bohol, Siquijor, Cebu kabilang na ang Bantayan island, nalalabing bahagi ng Negros Occidental, Negros Oriental, nalalabing bahagi ng Capiz at nalalabing bahagi ng Iloilo gayundin ng Aklan.
Maging sa hilagang bahagi ng Zamboanga del Norte at sa hilagang bahagi ng Misamis Occidental. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)