Bukas ang Commission on Elections (COMELEC) sa posibleng pagsasagawa ng ika-apat na presidential debate sa labas ng Pilipinas.
Ito ang tugon ni COMELEC Chairman Andy Bautista sa panukala ng isang kongresista na magsagawa rin ng debate sa partikular sa Hong Kong kung saan maraming mga Filipino.
Ayon kay Bautista, maganda ang panukala subalit may kaakibat din itong mga konsekwensya para sa panig ng pamahalaan at mga kandidato.
“Makakapunta pa ba sila doon sa lokasyon? Alam ko ang ipinapanukala ay Hong Kong, at pangalawa ang gastos, alam niyo po ang ginagawa nating debate ngayon sa pagka-pangulo ay wala pong ginagastos diyan ang pamahalaan.” Ani Bautista.
Sa kabila nito, aminado si Bautista na kahit hindi naman sa labas ng bansa ay maaari namang magsagawa ng ika-apat o kahit ilan pang debate upang lalong makilatis ng mga botante ang bawat presidentiable.
“Kami po sa COMELEC ay kumbaga mas maraming debate, mas mabuti eh, kaya lang hindi ganun kadali na magtanghal ng debate at ang tanong nga ay una kung magkakarating ang lahat, at pangalawa sino magbabayad.” Pahayag ni Bautista.
By Drew Nacino | ChaCha