Umapela ang LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board sa grupong ACTO o Alliance of Concerned Transport Operators na huwag nang ituloy ang kanilang naka-ambang tigil pasada ngayong araw, Hulyo 15.
Batay sa inilabas ng LTFRB, tiyak na magdudulot lang ng perwisyo at pagkabalam sa serbisyo ang naturang hakbang na siyang ipagdurusa ng mga pasahero.
Una nang nagsabing hindi sila lalahok sa ikinasang tigil pasada ang mga malalaking transport group tulad ng LTOP, Pasang Masda, Fejodap, Taguig Transport Cooperative at Altodap.
Habang tanging ang Piston lamang ang nagpahayag ng suporta sa ACTO at sasama sa isasagawang pagkilos laban sa ilang bahagi ng inilalargang transport modernization program.
Muling iginiit ng LTFRB ang layunin ng modernisasyon sa sektor ng transportasyon na bigyan ng isang buhay na may dignidad, sapat at matatag na kabuhayan ang mga tsuper habang kumbinyenteng biyahe naman para sa mga pasahero.
Kasunod nito, nakikipag-ugnayan ang LTFRB sa iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng LTO, OTC o Office of Transportation Cooperatives at sa DOTR upang tuparin ang ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng matiwasay na pamumuhay ang mga Pilipino.