Umaasa si Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino na magtutuloy-tuloy ang earthquake drill kahit wala na siya sa MMDA.
Ayon kay Tolentino, mahalaga ito upang mapaghandaan ang mga hindi inaasahang sakuna at trahedya na maaaring tumama sa bansa.
Sinabi ni Tolentino na tuloy na sa July 30 ang Metrowide Earthquake Drill at ang hudyat para sa lahat ng aktibidad ay magmumula sa mga himpilan ng radyo.
Layon ng Earthquake Drill na maipakita ang mga maaaring mangyari kapag nagkaroon ng 7.2 magnitude ng lindol at kung ano ang dapat gawin ng taong bayan.
“Sana po itong darating na July 30, 2015 na shake drill, meron po sa 2016, 2017 at 2018, nang sagayon ay maging handa tayo kung merong lindol na tatama sa Metro Manila, tuloy po ‘yan, kahit bumagyo o may habagat ang lahat po ng hudyat ay magmumula po siguro sa mga radio stations.” Ani Tolentino.
Training sa pag-embalsamo
Lumagda sa Memorandum of Understanding o MOA ang Metro Manila Development Authority o MMDA at ang Philippine Mortuary Association o PMA.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, nakapaloob sa kasunduan ang pagkakaloob ng PMA ng 50,000 cadaver bags na gagamitin sa Metrowide Eartquake Drill sa July 30.
Kasama rin sa kasunduan ang training ng ilang mga tauhan ng MMDA sa pag-embalsamo ng mga nasawi sa kalamidad.
“Nakikita natin na kapag ganitong may sakuna, nakita ko ‘yan sa Yolanda, eh ang hirap pong maghagilap ng mga tutulong, minsan mapapalagay na lang sa cadaver bag, eh napakatagal po, kaya kasama na po sila ngayon at ang requirement po ay mag-train ng atleast 5 tao namin.” Pahayag ni Tolentino.
By Len Aguirre | Ratsada Balita