Lumarga na kahapon ang ikalawang bahagi ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Commitee, kaugnay sa naunsyaming importasyon ng 300K metriko toneladang asukal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Present sa pagdinig si Agriculture Undersecretary Leocadio Sebastian at dating SRA administrator Hermenegildo Serafica na dumipensa sa inisyung Sugar Order no. 4.
Giit ng mga ito, itinuturing na urgent ang sitwasyon para masolusyunan ang shortage ng asukal sa bansa.
Sinabi naman ni Sebastian na hindi pa tinatanggap ni Pangulong Bongbong Marcos ang kaniyang pagbibitiw, at pinatawan lamang ito ng 90 araw na preventive suspension.
Samantala, hindi nakadalo sa pagdinig si Executive secretary Vic Rodriguez at ang tatlong bagong appointees ng SRA na nagpositibo umano sa Covid-19.
Umaasa naman ang Chairperson ng Komite na si Senador Francis Tolentino na makadadalo na sa susunod na pagdinig ang mga hindi sumipot na mga resource persons.