Nakatakdang suspendihin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng ikalawang tranche ng excise tax sa mga produktong petrolyo sa susunod na taon.
Ito ang inansyo ni Special Assistant to the President Bong Go sa kanyang pagdalo sa pagbubukas ng Tienda Malasakit ng Department of Agriculture sa Taguig City ngayong araw.
Ayon kay Go, pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang kautusan hinggil sa suspension ng dalawang pisong excise tax sa langis na epektibo sa Enero ng susunod taon.
Ito aniya ang nakikitang solusyon ng Pangulo sakaling magpatuloy pa ang pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Nilinaw naman ng kalihim na tanging ang second tranche lamang ng excise tax sa langis ang sinuspinde ni Pangulong Duterte kasunod na rin ng ipinalabas na resolusyon ng Senado hinggil dito.
Mga mamimili, dagsa sa binuksang “Tienda Malasakit”
Samantala, dagsa ang mga mamimili sa binuksang “Tienda Malasakit” ng DA o Department of Agriculture sa Taguig City ngayong araw.
Katuwang dito ng DA ang lokal na pamahalaan ng Taguig City kung saan mahigit sa 45 grupo ng mga magsasaka at kooperatiba mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang nakiisa para magbenta ng kani-kanilang mga produkto.
Kabilang sa mga maaaring mabili sa nabanggit na “Tienda Malasakit” store ang NFA rice na nagkakahalaga ng bente siyete kada kilo, commercial rice na trentay nuwebe kada kilo at mga murang gulay at prutas.
Mabibili rin dito ang mga kamatis mula sa Laguna na unang nag-viral sa social media na itinapon ng mga magsasaka dahil sa over supply.
Samantala, pinag-aaralan naman ng da ang paglulunsad pa ng mas maraming “Tienda Malasakit” store katuwang ang iba pang mga lokal na pamahalaan para maipaabot ang mga murang bilihin sa mga barangay sa buong bansa.
—-