Pinaghahandaan na ng Department of Agriculture (DA) ang posibleng ikalawang bugso ng kawalan ng ulan bago matapos ang 2015.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, batay sa advisory ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), posibleng makaranas uli ng kawalan ng ulan ang bansa pagsapit ng Oktubre hanggang Disyembre.
Dahil dito, sinabi ni Alcala na humiling na sila ng dagdag na P80 milyong piso sa Department of Budget and Management (DBM) para sa cloud seeding operation.
Sa kasalukuyan, puspusan pa rin ang cloud seeding operation lalo na sa dako Bulacan at Pampanga upang madagdagan ang tubig sa Angat dam.
Matatandaan na itinigil na ng Angat ang pagrarasyon ng tubig sa mga irigasyon matapos bumaba sa kritikal na lebel ang tubig sa dam.
“Ang nauna po nating budget ay may P15 million po tayo na nakalaan ngunit dahil nakipag-meeting sa amin ang PAGASA, nakita po nila na after ng tag-ulan na ito, inaasahan na hindi ulit uulan sa panahon ng October, November, December, yun din po ang hinahandaan namin, nagpadagdag po ako ng budget.” Ani Alcala.
Black bugs
Kumikilos na ang DA upang matukoy ang pinakamabilis na paraan kung paano masusugpo ang pesteng black rice bugs.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso Alcala, inatasan na niya ang Pest Management Office ng DA sa iba’t ibang rehiyon na magpakalat ng mga impormasyon sa pamamagitan ng media kung paano masusugpo ang black rice bugs.
Karaniwan aniyang ang pinaka-puno ng palay na nasa early stage pa lamang ang ina atake ng black rice bugs kaya’t makabubuti kung tataasan ang patubig sa taniman.
Pinakahuli sa mga napaulat na sinalakay ng black rice bugs ang mga sakahan sa Iloilo.
“Maglagay po ng light trap tapos may tubig ang ilalim, maa-attract po siya ng light tapos babagsak at malulunod sa tubig, yun po ang the fastest way, pero namimigay din po kami ng metarhizium, powder na pansugpo po dito, kapag pumasok po ito sa leeg ng mga kulisap ay mangangati at mamamatay po siya.” Paliwanag ni Alcala.
Trading Centers
Ipinagmalaki naman ng DA ang mga tinaguriang silent millionaires na magsasaka mula sa Quezon Province.
Ayon kay Agriculture Secretary Proceso alcala, katulong niya ngayon ang mga magsasakang umasenso na ang buhay sa pag-iikot sa iba’t ibang panig ng bansa upang magsilbing inspirasyon sa iba pang mga magsasaka.
Nagsimula aniya ang suwerte ng mga magsasaka sa mga trading centers na itinayo ng Department of Agriculture sa Quezon Province, Roxas Isabela, Urdaneta City sa Pangasinan, Dumaguete, Cebu at ngayon ay sa La Trinidad Benguet.
Sinabi ni Alcala na sa pamamagitan ng trading centers, mas mapapadali na ang pagbalanse sa suplay ng pagkain sa bansa.
“Yun po ay kitang-kita natin ang diperensya, di-nesign po talaga naming yun for the benefit of the farmers, at yun po ang naging dahilan kung bakit mga silent millionaires po ang aking mga magsasaka sa Quezon, at yung mga taga-Trinidad, Mt. Province, dinadala po namin ang mga magsasaka doon para po ma-inspire sila sa pag-asenso, ginagawa po namin ito, on going every week.” Pahayag ni Alcala.
By Len Aguirre | Ratsada Balita