Naging matagumpay ang ikalawang DWIZ Metro Patrol Radio Training Campus Caravan na ginanap sa Bulwagang Maestra Osang, Centro Escolar University noong Agosto 1, 2017.
Mahigit 200 estudyante na may kursong Mass Communication, Education, Social Work at Performing arts at maging mula sa Senior High School ang dumalo sa radio training workshop.
Ibinahagi ni Jun Del Rosario, News Director ng DWIZ ang kanyang mga natutunan at karanasan sa ilang dekadang pamamahayag. Dito niya ipinaliwanag ang wasto at epektibong pagsulat ng balita. Inilahad din ni Ricky Rosales, pinuno ng Mass Communication Department ng CEU ang ilang mga tips sa mahusay na pagbabalita sa radyo.
Ikinwento naman ni Alex Baltazar, isa sa mga disc jock ng 97.9 Home Radio ang kanyang inspirasyon sa pagiging isang DJ kung saan ay binigyang diin niya ang mga katagang “Everything is possible if you just believe”. Pinapaalalahanan din niya ang mga mag-aaral na palaging maging magpakumbaba at kunin ang bawat pagkakataon na maaaring dumating sa hinaharap.
Tinalakay din ni Patricia Magnaye, pinuno ng Globe Citizenship ang responsableng pagbabahagi ng impormasyon sa iba’t ibang platform ng social media tulad ng Facebook, Twitter at Instagram kung saan ay ipinahiwatig niya na dapat maging mapanuri ang mga kabataan sa mga ibinabahagi nila sa kanilang mga social media accounts.
Ang naturang event ay naging posible sa pakikipatulungan ng Broadcast Circle Group ng Centro Escolar University at sa kooperasyon ng Globe at Home Radio 979. Nasiyahan din ang mga estudyante sa iba’t ibang mga workshop pati na rin ang mga premyo na ibinigay sa kanila ng mga sponsor ng training workshop; Enchanted Kingdom, Silka, Nature’s Spring, Mary Kay, Los Arcos De Hermanos, Autobooth Photobooth at Ladriano Enterprises.