Pinapurihan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Eastern Mindanao Command ang mga tropa ng Army’s 4th Infantry Division at ang mga tropa ng Special Action Force ng Philippine National Police (PNP).
Ito’y matapos mapatay ng awtoridad ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) sa Mindanao kasunod ng pagsiklab ng bakbakan sa Barangay Kalabugao, bayan ng Impasugong sa lalawigan ng Bukidnon.
Kinilala ni EASTMINCOM Chief Lt/Gen. Gerg Almerol ang top 2 NPA Official na si Pedro Codaste alyas Gonyong na siyang Acting Chairman ng Komisyun Mindanao ng NPA na pumalit kina Antonio Cabanatan, Jorge Madlos at Menandro Villanueva na una nang napatay sa engkwentro.
Batay sa ulat, nagsasagaw ang focused military operations ang pinagsanib na puwersa ng Militar at Pulisya sa lugar nang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concerned citizen hinggil sa presensya ng armadong grupo.
Pagsapit sa lugar ay duon na sumiklab ang engkwentro sa may tinatayang 15 rebelde na tumagal ng kalahating oras at nagresulta sa pagkamatay ni Codaste gayundin ng isang alyas Zandro.
Narekober sa lugar ng engkwentro ang ilang armas tulad ng AK47 Rifle, caliber. 45 Pistol, Anti-Personnel Mine (APM), tatlong backpack na may mga personal na gamit, at mga dokumento.