Naaresto na rin ang ikalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa Pilipinang overseas worker na si Joanna Demafelis, ang babaeng natagpuan sa loob ng isang freezer sa Kuwait.
Ito ang ipinabatid ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano batay sa impormasyong ipinarating naman sa kaniya ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait.
Ayon sa kalihim, hawak na ng mga awtoridad sa kuwait ang Syrian national na si Mona Hassoun, asawa ng Lebanese na si Nader Essam Assaf na una nang naaresto sa Lebanon.
Kasunod nito, tiniyak ni Cayetano na babantayan na ng mga kinatawan mula sa Department of Foreign Affairs o DFA at Department of Labor and Employment o DOLE ang development sa kaso alinsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa paunang ulat mula kay Philippine Ambassador to Kuwait Renato Pedro Villa, naaresto si Hassoun kasama ang kaniyang asawa sa syria kung saan nagtago umano ang dalawa mula nang umalis sa Kuwait noong isang taon.
Palasyo, ikinatuwa ang pagkaka-aresto sa ikalawang suspek sa pagpatay kay Demafelis
Ikinatuwa naman ng Malacañang ang pagkakadakip kay Mona Hassoun, asawa ng among Lebanese ng OFW na si Joanna Demafelis na isinilid sa loob ng freezer sa Kuwait.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isang hudyat na aniya nito na mabilis nang makakamit ng pamilya Demafelis ang katarungan sa pagkamatay ni Joanna sa kamay ng kaniyang mga amo.
Una nang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na malaking bentaha para sa pagbabalik ng matibay na relasyon ng Pilipinas at Kuwait ang pagkakadakip sa mga suspek na amo ni Joanna.
Kasunod nito, kumpiyansa si Bello na posibleng maging hudyat na rin ito ng pagbawi ni Pangulong Rodrigo Duterte sa idineklara nitong total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa naturang bansa.