Tiniyak ng Commission on Elections o COMELEC na mas magiging mahaba ang talakayan sa ikalawang yugto ng Pili-pinas 2016 presidential debate sa UP – Performing Arts Hall sa Cebu City mamayang hapon.
Inihayag ito ni COMELEC Chairman Andy Bautista sa harap na rin ng mga reklamo nuong unang presidential debate na mas mahaba pa ang commercial break kay sa mismong programa.
Giit ni Bautista, tiniyak sa kaniya ng TV-5 na siyang maghohost ng debate ngayong araw na mas kakaunti ang mga isasahimpapawid na advertisement bukod pa sa kakaibang paraan ng pagtatanong sa bawat round.
Paglalahad pa ng Poll Chief, magtatanong ang isang panelist sa unang round habang bawat kandidato naman ang magtatanong sa bawa’t isa sa ikalawang round ng debate
4 lamang ang makadadalo sa nasabing debate na kinabibilangan nila Davao City Mayor Rodrigo Duterte, Senadora Grace Poe, Vice President Jejomar Binay at Secretary Mar Roxas.
Magugunitang nag-back out sa debate si Senadora Miriam Defensor Santiago dahil sa naka-iskedyul niyang clinical trial ngayong araw para sa kaniyang sakit na cancer.
Sabayang mapapanood via internet at mapakikinggan ang ikalawang yugto ng Pili-pinas debates 2016 sa himpilang DWIZ 882 ganap na alas-5:00 ngayong hapon.
By: Jaymark Dagala