Pangkalahatang naging mapayapa ang ikalawang plebesito para sa Bangsamoro Organic Law sa Lanao Del Norte at North Cotabato.
Ito’y sa kabila ng magkakasunod na pagsabog sa Mindanao State University Municipal High school sa Sultan Naga Dimaporo, Kauswagan Multi-Purpose Gym sa Barangay Poblacion at Barangay Maranding sa bayan ng Lala, Lanao Del Norte.
Ayon kay Philipine National Police Spokesman, Senior Supt. Bernand Banac, wala namang nasugatan sa tatlong magkakahiwalay na pagsabog matapos rumesponde agad ang mga pulis at sundalo.
Nasa 7,300 pulis at sundalo anya ang nagbigay seguridad para sa ikalawang BOL plebiscite sa mga nabanggit na lalawigan.
Samantala, sa Iligan City na hindi naman kabilang sa panukalang Bangsamoro region territory, dalawang pulis ang inaresto sa checkpoint sa c3 road dahil sa pagbibitbit ng mga armas ng walang gun ban exemption at clearance mula sa COMELEC.