Binigyan ng bagsak na grado ng human rights group na karapatan si Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalawang taon nito sa termino.
Ayon kay Karapatan Secretary General Cristina Palabay, hindi natupad ni Pangulong Duterte ang pangako nitong pagbabago noong panahon ng kampanya at sa halip ay napalitan ng pangit na mukha.
Dagdag pa ni Palabay, nagmistulang isang delubyo ang nangyari sa sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa sa ilalim ng dalawang taong pamumuno ng pangulo kung saang partikular na tinamaan ang mahihirap na pilipino.
Samantala, zero o bokya din ang binigay na marka ng mamamahayag at founder ng Babae Ako Movement na si Inday Varona kay Pangulong Duterte sa usapin ng karapatang pantao sa loob ng dalawang taon nito sa tungkulin.
Sinabi ni Varona, walang ibang dapat pagbatayan sa pagbibigay ng grado kay Pangulong Duterte kundi ang usapin ng karapatang pantao na nakasaad sa saligang batas.
“Human rights, zero. Walang mas mahalaga sa akin kungdi ang pantay ang karapatang pantao. Constitution natin yan eh. May due process diyan eh. Pinakamataas na antas na karapatan ng tao ang karapatang mabuhay, ang karapatang mabigyan ng hustisya na hindi tina-trato na guilty hangga’t hindi maayos sa korte. Ilan ang patay natin? Libo-libo.”