Kinumpirma ng Department of Health (DOH) ang ikatlong kaso ng polio sa bansa makalipas ang 19 na taon kung kailan idineklarang ‘polio free’ ang Pilipinas.
BREAKING: Department of Health (DOH, kinumpirma na mayroong ikatlong kaso ng polio sa Maguindanao pic.twitter.com/0G9pWIMc6G
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) October 28, 2019
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, isang apat na taong gulang na batang babae mula sa bayan ng Datu Piang sa Maguindanao ang ikatlong kumpirmadong kaso ng polio.
Napag-alaman din na walang bakuna kontra polio ang bata.
Lumabas sa pagsusuri ng National Institute of Infectious Diseases in Japan sa stool samples o sample ng dumi ng naturang bata na positibo ito sa ‘vaccine-derived polio virus 2′.
Una nang napaulat na isang kaso ng acute flaccid paralysis ang kondisyon ng batang babae na nakararanas ng lagnat, diarrhea, pagsusuka at muscle pain.
Dagdag pa ng DOH, kanilang hinihintay ang laboratory results ng isa pang hinihinalang kaso rin ng polio.