Ibinasura na ng Comelec ang Townhall format ng ikatlo at huling presidential at vice presidential debates.
Kasunod na rin ito nang hindi natuloy na huling leg ng debate dahil sa kabiguan ng contractor na bayaran ang Sofitel Hotel sa pagho-host ng event.
Sa halip ipinabatid ni Comelec Commissioner George Garcia na magsasagawa na lamang sila ng single candidate/team-panel interview format.
Ang sistema ngayon aniya ay parang personal interview kung saan may panel kayat mabibigyan ang lahat ng mga kandidato ng buong isang oras para maisapubliko muli ang kanilang mga plataporma sa huling pagkakataon.
Sinabi ni Garcia na makikipag kita na lamang ang mga interviewer o panelist sa mga kandidato kung saang lugar uubra habang nasa kampanya ang mga kandidato o yung presidential-vice presidential tandem.
Inihayag pa ni Garcia na puwede ring kausapin ng interviewers ang mga kandidato online at ang mga ito ay i eere sa mga istasyong miyembro ng KBP o Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas mula May 2 hanggang 6.