Hawak na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ikatlo at huling listahan ng mga personalidad na sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Ayon sa Pangulo, medyo makapal-kapal ang listahan na katatapos lamang i-validate.
Pagbubunyag ng Pangulo, karamihan sa mga ito ay mga pulis na hindi pa rin natitinag sa pakikipagsabwatan sa mga sindikato ng droga.
Sinabi pa ng Pangulo na kung hindi matatapos na aksyunan ang naturang listahan ay iiwan niya ito bilang legasiya at kung hindi nakuha sa maayos na pakiusap ang sangkot na personalidad ay bahala na nang umaksyon dito ang mga awtoridad.
Kasabay nito ay kinumpirma rin ng Pangulo na positibo ang pagkakasangkot ng mga Alcala sa illegal drug trade sa Quezon.
Hindi lang aniya agad na naaresto ang mga ito dahil sa kanilang mga koneksyon kung saan madali nilang malalaman kung target na sila ng mga pulis.
By Rianne Briones