Inihain sa Korte Suprema ang ikatlong petisyon na kumukuwestyon sa idineklarang martial law ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Mindanao.
Nagsanib puwersa sa pagsasampa ng panibagong petisyon laban sa martial law declaration sina dating Senador Wigberto Bobby Tañada, Bishop Broderick Pabillo ng Roman Catholic Archdiocese ng Maynila, Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez, Bishop Antonio Tobias, Mother Adelaida Ygrubay ng Order of St. Benedict, Shamah Bulangis at Cassandra Deluria.
Ang nasabing petisyon ay isinampa isang araw matapos hilingin ng grupo ni Senador Leile De Lima sa High Tribunal na utusan ang kongreso na mag-convene sa isang joint session.
Ayon sa mga petitioner, malinaw sa konstitusyon na dapat magkaroon ng joint session ang Kamara at senado para ma-repaso ang idineklarang martial law ng Pangulo.
Kabilang sa respondents sina Senate President Koko Pimentel at House Speaker Pantaleon Alvarez.
By Judith Estrada – Larino