Kinumpirma na ng Department of Health (DOH) ang ikatlong positibong kaso ng novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) sa bansa.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, spokesman ng DOH, ang pasyente ay isang 60 taong gulang na Chinese national na dumating sa Cebu via Hong Kong.
Mula sa airport ay dumiretso agad ang Chinese sa Bohol at na-ospital noong January 22 dahil sa ubo at sipon.
Sinabi ni Domingo na dalawang beses kinunan ng sample ang pasyente para sa confirmatory test isa noong January 23 at isa pa noong January 24.
Ipinadala aniya sa Australia ang sample na kinuha ng January 24 samantalang sa RITM naman napunta ang sample noong January 23.
Nagnegatibo ang sample na ipinadala sa Australia kaya’t nakauwi na ng China ang pasyente noong January 31.
Gayunman, sinabi ni Domingo na nito lamang February 3, lumabas ang pagsusuri ng RITM sa unang sample at lumabas na positibo ang Chinese sa 2019-nCoV ARD
After na matapos na nila kasi lahat ng test dito they decided also to run all of the old samples that they have and one of her samples from January 23, this is an earlier sample so, apparently ito yung naging positive but the picture is the patient was infected but was getting better and nag-negative na siya on the 24 and the week later siya na-discharge, negative,” ani Domingo. — ulat mula kay Aya Yupangco (Patrol 5)