Umaasa ang isang citizens group na magkakaroon na ng ikatlong telecommunications company sa bansa pagdating ng ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Hulyo.
Ayon sa Better Broadband Alliance, matiyag sila sa paghihintay sa selection process habang papalapit ang ikatlong SONA lalo’t wala namang ipinatupad na deadline.
Dapat anilang makapili na ang Department of Information and Communication Technology ng panibagong telco player bago mag-Hulyo para sa mas mabilis at maayos na internet access.
Magugunitang inihayag ni Finance secretary Carlos Dominguez na hindi maaaring madaliin ang bidding para sa pagpasok ng isang foreign Telco sa Philippine Telecommunications Market kung saan kabilang sa requirement ay dapat may 200 Billion Peso Capital.
Sinasabing umaasa rin ang gobyerno na ma-i-re-release na ang final terms of reference sa mga susunod na linggo bilang preparasyon para pagpasok ng ikatlong telco player na makikipag-kumpentensya sa Smart at Globe.