Kumpiyansa pa rin ang mga awtoridad na hindi kailanman magtatagumpay ang mga nilulutong hakbang ng komunistang grupo para pabagsakin ang Administrasyong Duterte.
Iyan ay makaraang ibunyag ni AFP Deputy Chief of Staff for Operations B/Gen. Antonio Parlade na nabigo ang ikinasang “Aklasan” ni CPP-NPA at NDF Founding Chairman Jose Ma. Sison kasama ang Civil Society Group, Simbahan at maging ng Oposisyon.
Ayon kay Parlade, may mga dokumento aniyang nagpapatunay hinggil sa pakikipag-sanib puwersa ng grupong Tindig Pilipinas sa Movement Against Tyranny kung saan kabilang din sa mga ito ang kampo nila Vice President Leni Robredo at Sen. Antonio Trillanes IV na bitbit naman ang grupo ng Magdalo.
Plano sana ng mga ito na isakatuparan ang plano noong araw ng Biyernes, Setyembre A-Beinte Uno kasabay ng paggunita sa Ika-Apatnapu’t Anim na Anibersaryo ng Deklarasyon ng Batas Militar sa ilalim ng Rehimen ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Magugunitang inilatag noon ng mga naturang grupo ang mga isyung ibinabato laban sa Duterte Administration tulad ng Extra Judicial Killings, ang usapin kay Senador Trillanes, pagsikil sa Media at iba pa.
Subalit sinabi ni Parlade, kanya-kanya na aniyang kumalas ang iba’t-ibang grupo maging ang mga Obispo ng Simbahang Katolika sa pangunguna nila Manila Archbishop Luis Antonio Tagle, Bishop Broderick Pabillo, Lingayen-Dagupan Archbishop Soc Villegas at Caloocan Bishop Pablo David nang malamang si Sison ang utak ng binuong alyansa
Gayunman, ibinunyag ni Parlade na hindi pa rin nagtatapos sa September 21 ang plano ni Sison at ng Central Committee ng Komunistang Grupo dahil balak namang gamitin ng mga ito ang mga Katutubong Lumad sa kanilang Red October Rally kaalinsabay ng Indigenous People’s Month.