Naging matagumpay ang isinagawang metrowide earthquake drill kaninang umaga.
Ginawa ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Francis Tolentino ang pahayag matapos niyang i-terminate ang pagsasanay bandang alas-12:00 ng tanghali.
Ayon kay Tolentino, ito ay dahil pakikiisa ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno, pribadong mga kumpanya at hanay ng media.
Nanatili naman nakaantabay ang Metro Manila Risk Reduction and Management Council sa shake drill na gagawin sa Pasig City mamayang alas-8:30 ng gabi.
Higit 1,000 nakiisa sa Maynila
Isang libo tatlong daan at dalawampu’t lima (1,325) katao ang nakiisa sa earthquake drill sa west quadrant evacuation center sa golf course ng Intramuros Maynila.
Sa nasabing bilang, 600 ang volunteers at higit 700 ang kusang loob na sumali sa drill, kabilang na ang informal settlers ng Baseco Compound.
Samantala, wala namang naitalang nasugatan sa Intramuros.
Ang nakitang problema lamang ng mga opisyal doon ay ang kakulangan sa two-way radio na magagamit sana para sa mas mabilis na koordinasyon.
Kanina sa drill ay tatlong radyo lamang ang nagamit pero understandable naman daw iyon dahil drill pa lamang naman.
Samantala, ayon kay MMDA Engineer Antonio Abayod, ang Deputy Incident Commander sa Intramuros, kayang maka-accommodate ng aabot sa kalahating milyong tao ang buong golf course ng Intramuros.
Kung mangyari man ang malakas na lindol, ang golf course na iyon ang sasalo sa mga residente ng Maynila, Malabon, at Navotas.
At para hindi mahirapan ang mga residente na nasa boundary ng Quezon City at Maynila, sakaling tumama ang malakas na lindol, maaaring gamiting evacuation center ang University of Santo Tomas.
Ayala
Naging matagumpay din ang naging earthquake drill sa Ayala area sa Makati City.
Ang nasabing drill ay nilahukan ng pribado at pampublikong sektor.
Binigyang diin ni acting Makati City Mayor Romeo Kid Peña na makabuluhan ang drill dahil nakita ang pagtutulungan ng iba’t ibang sector.
Hindi aniya dapat balewalain ang mga katulad na paghahanda sakaling dumating ang The Big One.
By Rianne Briones | Avee Devierte | Jonathan Andal | Allan Francisco