Balik sa modified general community quarantine (MGCQ) ang Ilagan City sa Isabela matapos ang limang araw na pagpapatupad ng localized lockdown sa ilang barangay at purok sa lungsod.
Tuluyan nang inalis ng City Inter-Agency Task Force (CIATF) ang paghihigpit at paglilimita sa galaw ng mga residente sa Barangay Marana 1st at Purok 2 ng Barangay Alibagu matapos ang matagumpay na contact tracing sa mga nasabing lugar.
Mayroong 50 aktibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Ilagan City kaya’t nakaalerto pa rin ang mga otoridad sa pagpapatupad ng health standards lalo na ngayong kapaskuhan.
Patuloy ang paalala ng CIATF na iwasan ang mass gathering at pagtungo sa mga matataong lugar kung hindi kinakailangan at ugaliing sundin ang mga panuntunang ipinatutupad ng mga kinauukulan para makaiwas sa COVID-19.