Umaasa ang Gabriela Partylist Group na magbubukas ng bagong pintuan at pagkakataon para sa diborsyo sa Pilipinas ang positibong aksyon ni Pope Francis sa isyu ng church annulment.
Ayon kay Gabriela Partylist Representative Luz Ilagan, welcome sa kanila ang anumang hakbang na makakatulong sa mga babae na gusto nang umalis sa pagkakatali nito sa isang relasyon.
Una rito, pinadali ng Santo Papa ang proseso sa pagkuha ng church annulment.
Kabilang sa pagbabago ay ang pag-apruba sa annulment ng isang church tribunal na lamang sa halip na dalawa, pagtanggal sa proseso ng pagdinig at ilipat na lamang ang kaso sa kamay ng isang obispo at tanggalin na bilang panuntunan ang pa-apela sa Vatican Court at gawin na lamang itong exception to the rule.
“Welcome na welcome naman po na sinasabi ngayon ng simbahan na padadaliin na nila ngayon ang annulment, so that is the choice for people na gusto ang annulment, pero sana tignan na din nila favorably and I’m sure dahil we have a progressive Santo Papa na papunta na din tayo doon sa sitwasyon at punto na puwede na, acceptable na din ang divorce.” Giit ni Ilagan.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit