Todo depensa si PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa sa pagpunta nito sa mall nitong Huwebes at sa pamimigay nito ng regalo sa mga batang anak ng mga Inoplan Tokhang.
Kasunod ito ng pambabatikos ng ilang netizens sa social media kay Dela Rosa na nagsasabing nakuha pa nitong mag-mall suot pa ang costume ni Santa Claus gayong nasa terror alert number 3 na ang buong bansa.
Paliwanag ni Dela Rosa, gusto lamang niyang patunayan na hindi dapat maging dahilan ang panggugulo ng ilang teroristang grupo para basagin ang holiday mode ng publiko.
Pinayapa rin ni Dela Rosa ang kalooban ng publiko at sinabing ituloy lamang ang kanilang mga planong pagsasaya ngayong pasko at huwag hayaang magtagumpay ang naisin ng mga teroristang grupo na matakot ang lahat.
Sa ilalim ng terror alert number 3, sinabi ni Dela Rosa na asahan na ng publiko ang mas maraming presensiya ng mga pulis, mobile checkpoints, at Oplan Sita.
By: Meann Tanbio / Jonathan Andal