Hinamon ng ilan pang inaakusahang ‘narco-politician’ sa Cebu ang gobyerno na isailalim din sila sa imbestigasyon.
Ito’y sa gitna ng pagkaka-absuwelto ng Department of Justice (DOJ) sa mga tinaguriang bigtime drug lord ng Visayas na sina Peter Lim, Peter Co, Kerwin Espinosa at iba pa na pawang nahaharap sa drug trafficking charges.
Ayon kina Daanbantayan Cebu Mayor Vicente Loot at dating Cebu City Mayor Michael Rama, bagaman inaakusahan silang narco-politician ni Pangulong Rodrigo Duterte simula pa noong 2016, wala namang isinasampang kaso laban sa kanila.
Umaasa sina Loot at Rama na matutulad sila sa kanilang kapwa Cebuanong negosyanteng si Peter Lim na una nang nakaladkad sa illegal drugs trade at bagaman kinasuhan ay inabsuwelto ng DOJ dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Una ng nagsumite si Loot, na isang retiradong police general ng affidavit sa National Bureau of Investigation matapos siyang tukuyin ng self-confessed drug lord na si Rolando “Kerwin” Espinosa Jr. na tumanggap ng kanyang protection money.
—-