Tinatayang aabot sa 2000 mga rallyista ang dumalo sa malawakang kilos protesta sa mga lugar na malapit sa CCP Complex sa Pasay City kahapon.
Kasabay ito ng pagbubukas ng ASEAN o Association of Southeast Asian Nations Summit and Related Meetings na dinaluhan ng iba’t ibang ASEAN at world leaders kabilang na si US President Donald Trump.
Limandaang rallyista ang nagtipun-tipon sa bahagi ng Quiapo, Maynila at sabay-sabay na tumulak patungong PICC o Philippine International Convention Center kung saan ginawa ang mga pagpupulong.
Hinarang na agad ng mga operatiba ng PNP ang mga ito pagsapit sa T.M. Kalaw Avenue at hindi pinayagan na makalusot kahit pa naki-usap na ang mga militante na makarating hindi kalayuan sa PICC.
Samantala, naging marahas naman ang isinagawang pagkilos sa bahagi ng Padre Faura sa Maynila na nauwi pa sa girian at sakitan makaraang magpumilit ang mga miyembro ng grupong Bayan na makalusot patungong PICC para kondenahin ang pagdating sa bansa ni Trump.