Lima pang establisyimento ang pansamantalang ipinasara ng Laguna Lake Development Authority o LLDA dahil sa pagtatapon ng dumi o waste water na nakadaragdag sa polusyon sa Manila Bay.
Kabilang sa inisyuhan ng LLDA ng cease and desist order ang Max’s Restaurant – UN Avenue-Orosa Branch, Hengfeng Kitchenette, Jollibee Macapagal Biopolis, Lamer Catering at Nihon Bashitei Japanese Food.
Ayon kay LLDA Environmental Regulations Department Manager, Engr. Emiterio Hernandez, nakitaan ng mataas na fecal coliform level ang wastewater na itinatapon ng mga nasabing establisyimento sa look ng Maynila.
Maaari namang umapela sa LLDA ang mga ipinasarang establisyimento at bawiin ang cease and desist order sa oras na tumalima sa kautusan ng gobyerno na maglagay ng water treatment facility.
Enero 27 nang simulan ang malawakang clean up drive bilang bahagi ng rehabilitasyon ng Manila Bay.