Nanawagan sa pamahalaan ang MNLF o Moro National Liberation Front na imbestigahan ang posibleng pakikipagsabwatan ng iba pang mga pulis at sundalo sa mga miyembro ng Abu Sayyaf.
Ito ay makaraang matuklasan ang matagal nang relasyon ni Superintendent Maria Cristina Nobleza sa bandidong si Reneer Lou Dongon.
Ayon kay MNLF Spokesman Emmanuel Fontanilla, nakatanggap sila ng impormasyon na may ilang sundalo’t pulis ang nagbibigay ng proteksyon sa Abu Sayyaf kapalit ng porsyento sa ransom money.
Ito aniya ang posibleng dahilan kaya’t hindi matapos-tapos ang pangingidnap ng bandidong grupo.
Kasabay nito, sinabi ni Fontanilla na nakahanda naman ang kanilang hanay na tulungan sa imbestigasyon ang pamahalaan.
By Ralph Obina