Ilan pa umanong paglabag sa karapatan ng mga manggagawa ang kinasangkutan ng Nexgreen Enterprises, ang employer na nagpasahod ng barya sa kanilang factory worker sa Valenzuela City.
Una nang inireklamo ng factory worker na si Russel Mañoza na tig-5 at 10 sentimong barya ang ibinayad sa kanya ng Nexgreen sa dalawang araw na trabaho na aabot ng 1,056 pesos.
Naungkat sa pagdinig ng Valenzuela City Hall na kabilang din sa mga reklamong kinakaharap ng kumpanya ang hindi pagbabayad ng overtime at hindi pamamahagi ng SSS, PAG-IBIG at Philhealth benefits.
Napag-alaman din ng City Hall na aabot sa 55,000 pesos ang dapat ibayad ng kompanya kay Mañosa kabilang ang overtime at night differential nito.
Aminado naman si Jasper So, may-ari ng Nexgreen na may pagkukulang sila sa kanilang mga manggagawa at hindi intensiyon ng kumpanya na bayaran ng barya si Mañoza.
Humingi na ng paumanhin si So sa City Hall at sa trabahador. —sa panulat ni Drew Nacino