Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupo ng mga Abugado mula sa Mindanao para hilingin na maglabas ng temporary restraining order laban sa pagsasagawa ng impeachment trial kay Vice President Sara Duterte.
Sa inihaing Petition for Certiorari and Prohibition sa pangunguna ni Atty. Israeli Torreon at dating LTFRB chair Atty. Martin Delgra III, iginiit ng petitioners na in-isyu ang articles of impeachment ng may grave abuse of discretion.
Pinroseso anila ang reklamo ng walang committee evaluation at may depekto sa verification process.
Ayon kay Atty. Torreon, dapat alam ng mga kongresista ang alegasyon at napag-aralan itong mabuti, ngunit matatandaang blangko ang mga ito na impeachment pala ang tatalakayin sa caucus sa kamara.
Hiniling din ng petitioners sa kataas-taasang hukuman na ideklarang null and void ang articles of impeachment at atasan ang Senado na huwag kilalanin ang sinasabing invalid na impeachment complaint.
Nabatid na kabilang sa iba pang naghain ng petisyon sina Davao City Councilor Luna Maria Dominique Acosta, Bai Jundra Cassandra Dominique Advincula, at Lord Byron Cristobal. – Sa panulat ni Laica Cuevas