Kinalampag ng Commission on Audit ang labing limang ahensya ng pamahalaan at 34 na state universities and colleges dahil sa naantala at palyado nitong mga infrastracture projects noong 2023.
Sa audit report ng COA, nakita na nagkakahalaga ang mga proyekto ng national government agencies ng mahigit 239 billion pesos habang ang sa SUCs naman ng 2.37 billion pesos.
Sinasabing hindi nasunod ang plano para sa mga proyekto dahil sa poor planning, kakulangan sa monitoring, hindi pagsunod sa mga kontrata, mahabang procurement process at kakulangan ng koordinasyon sa local government units at iba pang kinauukulang ahensya.
Tinukoy ang DPWH bilang pinakaresponsable sa mga naantala at mga hindi naipatupad na proyekto na nagkakahalaga ng mahigit 131 billion pesos.
Bukod dito, lumabas din ang palyadong mga proyekto ng DOTR-Office of the Secretary; Land Transportation Office; Department of Health at Philippine National Police.