Sinuspinde na ng Department of Education (DepEd) ang ilang mga nakatakdang national at regional events para sa mga estudyante mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas.
Kasunod ito ng ulat ng kauna-unahang kaso ng local transmission ng COVID-19 sa bansa.
Ayon sa DepEd, kabilang dito ang mga laban para sa palaro regional habang pag-aaralan pa ng board kung itutuloy ang pagsasagawa ng palarong pambansa sa Mayo.
Sinabi ng DepEd, magpapatuloy naman ang National Festival of Talents (NFOT) at National Schools Press Conference (NSPC) dahil nasa venue na anila ang mga kalahok.
Gayunman mahigpit na magpapatupad ng mga precautionary measures kung saan ilang mga programang may kaugnayan sa aktibidad ang posibleng hindi na ganapin.
Dagdag ng DepEd, nakatakda nilang pagpasiyahan ang iba pang mga aktibidad oras na makatanggap ng abiso mula sa Inter-Agency Task Force.