Naglabas na ang Department of Trade and Industry ng panibagong suggested retail prices bulletins para sa basic necessities, prime commodities at school supplies.
Epektibo ngayong araw, tumaas na ang presyo ng ilang basic goods, gaya ng mga de latang karne, sardinas, instant noodles, mineral water, sabong panlaba at panligo, suka, patis, toyo, gatas, kape, tinapay at baterya.
Ikinunsidera ng DTI sa tatlo hanggang limang porsyentong price increase ang pagmahal ng raw materials at pagtaas ng distribution cost.
Gayunman, hindi nagbago ang presyo ng pinoy tasty at pinoy pandesal makaraang pakiusapan ng kagawaran ang philippine baking industry group na huwag munang magpatupad ng price hike.
Samantala, nakasaad sa panibagong srp bulletin ang pagpapataw ng dagdag-presyo sa school supplies, tulad ng notebook, pad paper, crayon, ballpen, lapis at pambura.
Mayo nang huling maglabas ang DTI ng srp bulletin para sa basic necessities at prime commodities.
Maaari namang bisitahin ang official website ng kagawaran na dti.gov.ph para sa iba pang detalye kaugnay sa presyo ng mga bilihin.