Nagsimula nang sumirit ang bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Metro Manila —ilang araw bago ang Pasko.
Ito ang ibinabala ng OCTA Research Group kasabay ng paghimok sa publiko na mahigpit na sundin ang minimum health standards, iwasan ang mga matatao at kulob na lugar at pigilan munang dumalo sa mga pagtitipon.
Ayon sa OCTA Research Group, umakyat sa 1.15 reproduction rate o average na bilang ng mga tao sa partikular na populasyon na nahawaan ng isang may COVID -19.
Mula aniya ito sa naitalang 1.06 noong nakaraang linggo at patuloy pa rin sa pagtaas.
Binigyang diin ng grupo, maaari pa ring mapigilan o mabaligtad ang sitwasyon, ngunit kinakailangang agad at sama-samang kumilos ng pamahalaan at publiko.
Iginiit ng OCTA Research Group, may mga patunay na mula Europa at North America na pangunahing dahilan ng second wave ng COVID-19 sa mga nabanggit na lugar ang madalas pakikipagsalamuha ng mga magkakamag-anak.