Pinag aaralan ng AFP na gawing artwork ang ilang armas na nakumpiska ng militar sa mga terorista sa Marawi City.
Sinabi ni AFP Spokesman Major General Restituto Padilla na plano nilang gawing artistic symbol ang mga naturang armas at ilagay sa ipapatayong memorial sa naturang lungsod.
Samantala sinimulan na ng AFP ang proseso ng demilling sa mga nakumpiskang armas.
Ayon kay Padilla pinaghati hatian na ng ibat ibang tanggapan ng AFP na may kinalaman sa tungkuling ito ang lahat ng mga nakuhang armas para mapadali ang proseso.
Batay sa paunang hakbang kaagad isinasalin sa documentation proceedings ang mga nakuhang armas kung ito ay galing sa gobyerno o kung saan ito nagmula at bawat isa ay may kaukulang report kung paano ito posibleng napasakamay ng mga terorista.
Matapos nito ay isasalang na sa demilling o pagwasak ang mga armas na puwedeng padaanan sa pison habang ang ibang parte ng armas na bakal at matigas ay puputul putulin na lamang.