Inaprubahan na ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board, sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang bagong 23 Infrastructure Flagship Projects (IFPs) sa ilalim ng Build Better More (BBM) program.
Sa isang social media post, iniulat ni Pangulong Marcos na mayroon nang kabuuang 185 IFPs ang administrasyon. Nakatuon ang karamihan sa mga proyektong ito sa pagpapabuti ng physical connectivity sa bansa.
Bukod sa pagdagdag ng 23 IFPs, nagtanggal din ang NEDA ng 36 projects dahil itinuring na ang mga ito bilang regular programs. Ang iba, pinondohan na ng mga pribadong sektor o kaya hindi in-endorso sa Public Investment Program (PIP) at Three-Year Rolling Infrastructure Program (TRIP).
Pagbibigay-diin ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan, ginawa nila ang desisyong ito upang gawing prayoridad ang high-impact infrastructure projects at matiyak na makatatanggap ang mga ito ng agarang suporta mula sa pamahalaan para sa mas mahusay at mas pinabilis na implementasyon.
Gayunpaman, nilinaw ng NEDA Board vice chair na patuloy pa rin ang pagpapatupad sa ilang proyektong tinanggal mula sa IFP list dahil bahagi na ang mga ito ng regular programs ng pamahalaan.
Isa sa mga kabilang sa updated IFP list ang Davao City Bypass Construction Project.
Kapag nakumpleto, inaasahang mapabubuti ng 45-kilometer, four-lane bypass construction project ang traffic logistics o transportasyon ng mga kalakal sa loob ng Davao City na siyang makaaambag sa pag-unlad ng ekonomiya sa rehiyon.
Mababawasan na rin ang oras ng biyahe sa pagitan ng Barangay Sirawan, Davao City at Barangay J.P. Laurel, Panabo City, mula 1 hour and 44 minutes sa 49 minutes.
Tinatayang aabot sa 15,700 commuters ang makikinabang dito araw-araw.
Ayon kay Sec. Balisacan, prayoridad ng administrasyong Marcos ang sektor ng imprastraktura bilang “key driver” sa pag-unlad ng ekonomiya.
Bagama’t nagkaroon na ng reporma sa mga polisiya upang matugunan ang mga matagal nang humahadlang sa pagkakaroon ng matatag na imprastraktura, pagsisikapan pa rin ng pamahalaan na palakasin ito, para na rin sa ikabubuti ng buhay ng bawat Pilipino.