Makararanas pa rin ng kalat – kalat at mahihinang pag – uulan ang ilang bahagi ng bansa ngayong Huwebes kahit nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Agaton na may intenational name na ‘Bolaven’.
Ito ay dahil sa dalawang (2) weather system na nakakaapekto pa rin sa Northern, Central at Southern Luzon at maging sa Eastern Visayas.
Magdadala ng maulap na papawirin na may minsanang mahihinang pag – uulan ang hanging amihan sa mga lalawigan ng Batanes, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Abra, Kalinga, Apayao, Mt. Province, Benguet, Ifugao at Aurora.
Habang makararanas namang ng kalat – kalat na pag – uulan na may kasamang pagkulog pagkidlat ang Bicol Region, Southern Quezon at Northern Samar dahil sa buntot ng cold front.
Samantala, nakataas pa rin ang gale warning sa mga baybayin ng ilocos Norte, Batanes, Babuyan Island, Cagayan Valley, Isabela, Aurora, Silangang Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon Northern Samar at Eastern Samar dahil sa hanging amihan.