Uulanin ang ilang bahagi ng bansa ngayong araw dahil sa Low Pressure Area (LPA) at Inter Tropical Convergence Zone (ITCZ).
Huling namataan ang LPA sa layong 170 kilometro hilagang silangan ng Daet Camarines Norte.
Nakapaloob ito sa ITCZ at magdadala ng maulap na kalangitan na may mahina hanggang sa katamtamang mga pag-ulan at pulo-pulong pagkulog at pagkidlat sa Bicol, silangang Visayas at silangang Mindanao ngunit posibleng malusaw na ito ngayong araw o sa Miyerkules.
Sa Luzon, asahan din ang mga maulan na panahon Baguio, Abra at Mindoro habang sa Metro Manila naman ay magiging mainit sa umaga at gayundin sa tanghali ngunit makararanas ng thunderstorm sa hapon o gabi.
Bukod sa silangang bahagi ng Visayas, magiging maulan din sa Boracay, Iloilo at Negros dahil sa ITCZ.
Pinakamaulan naman ngayong araw sa Dinagat at Zamboanga sa Mindanao.
By Mariboy Ysibido