Asahan na ang maulang araw sa malaking bahagi ng bansa ngayong Sabado.
Ito’y dahil sa patuloy na hinahatak ng Tropical Depression ‘Marilyn’ ang southwest moonsoon o habagat.
Ayon sa PAGASA, makakaranas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog ang Lalawigan ng Aurora.
Bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong mga pag-ulan at pagkidlat-pagkulog dulot ng lokal na mga pagkidlat-pagkulog ang mararanasan sa mga lalawigan ng Nueva Vizcaya, Quirino, Isabela, Cagayan, Batanes, Apayao, Kalinga, Abra, Mt. Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union at Pangasinan.
Katamtamang hangin naman mula hilagang-silangan hanggang sa hilagang-kanluran ang iiral sa Hilagang Luzon at sa Lalawigan ng Aurora na may katamtamang pag-alon ng karagatan.
Namataan si Marilyn, batay sa pinakahuling tala ng PAGASA, sa 1,150Km east of Basco, Batanes.
May lakas ito ng hanging aabot sa 55 kilometers per hour (kph) at may bilis na aabot sa 70 kph.
Dagdag pa ng PAGASA, may tsansang pumasok ulit ng PAR si Marilyn at maaaring makaapekto sa extreme Northern Luzon.