Isasara ang ilang bahagi ng edsa para sa mga delegado ng Asia Pacific Economic Cooperation Summit, simula November 17 hanggang 20.
Ayon kay Cabinet Secretary Jose Rene Almendras, na nangangasiwa sa Edsa Technical Working Group para sa APEC meeting, isasara ang kalsada mula Shaw Boulevard, Mandaluyong hanggang SM Mall of Asia, Pasay City.
Posible anyang tumagal ng hanggang 30 minuto ang full closure o sa kada oras na darating ang isang delegado lalo’t hindi naman masasabi ang eksaktong schedule ng dating ng mga ito.
Tinatayang 36,000 sasakyan ang maaaring maapektuhan ng road closures kaya’t umaapela sila sa mga bibiyahe na huwag ng dumaan sa EDSA kung wala namang importanteng pupuntahan.
Suspendido ang trabaho sa government sektor at klase sa lahat ng antas sa Metro Manila sa November 17 hanggang 20 habang sa private sector ay walang pasok simula November 18 hanggang 19.
Samantala, asahan na ring isasara ang mga kalsada sa paligid ng airport sa Nobyembre 17.
Kaugnay nito, magsasanib-puwersa ang 20 ahensya ng pamahalaan kabilang na ang ilang local government ang kasama sa inter-agency management team na titiyak na magiging maayos at payapa ang gaganaping APEC Summit sa bansa ngayong buwan.
Ipinabatid ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor na kasama ang kanilang hanay sa mga naatasan sa seguridad ng mga delegado at sa mga lugar na paggaganapan ng nasabing summit.
Binigyang-diin ni Mayor na hindi biro ang halos ay 10,000 mga delegado na dadagsa sa bansa mula November 16 hanggang sa matapos ang pulong sa November 20.
Iba-iba rin aniya ang security requirements para sa 21 state leaders na mangunguna sa APEC Summit.
By Drew Nacino | Meann Tanbio