Natagpuan ang ilang bahagi ng katawan ng tao at mga pinaniniwalaang debris ng eroplano ng Egyptair na nawala noong Huwebes habang papunta ng Cairo sa Egypt galing Paris.
Ayon sa ulat ng BBC news, nakita ng Egyptian search crew ang ilang upuan at bagahe halos tatlong daang kilometro ang layo sa Alexandria, Egypt.
Naka-sentro ngayon ang search operation sa recorder o black box ng eroplano.
Iniimbestigahan naman ngayon ng mga awtoridad sa Egypt ang ulat na umusok umano ang isang bahagi ng eroplano bago ito mag-crash o bumulusok sa Mediterranean Sea.
Una nang sinabi ng mga awtoridad na posibleng mga terorista ang nagpabagsak sa eroplano at hindi technical fault.
Sa bansang France naman kung saan galing ang eroplano, sinisilip na nila kung nagkaroon ng security breach sa paliparan sa Paris.
By: Jonathan Andal