Nagpalabas ng abiso ang MMDA o Metro Manila Development Authority kaugnay ng mga nakatakdang road repairs ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilang bahagi ng Metro Manila ngayong weekend.
Ayon sa MMDA, magsisimula ang road reblocking at repairs mamayang 11:00 ng gabi hanggang 5:00 ng umaga sa Lunes.
Kabilang sa mga maaapektuhang kalsada ay ang southbound lane ng EDSA malapit sa Trinoma sa Quezon City; Bonifacio Avenue mula Del Monte Street at C-5 Road sa bahagi ng Julia Vargas sa Pasig.
Gayundin sa northbound ng McArthur Highway malapit sa Monumento Circle, Caloocan City; mindanao Avenue, Manila East Road, Congressional Avenue Extension at Quirino Highway mula Regalado Avenue North hanggang La Mesa Dam.
Habang magkakaroon din ng pagsasaayos sa west bound ng Luzon Avenue mula Commonwealth Avenue hanggang Congressional Avenue sa Quezon City.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga motorista na kung maaari ay umiwas sa mga nasabing kalsada o dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta.