Isang bahagi ng kalsada sa bulubunduking barangay sa Talisay City, Cebu ang pansamantalang ipinasara makaraang makaranas ng landslide bunsod ng malakas na pag-ulan.
Kinumpirma ni Talisay City Traffic Operations and Development Authority Chief Joy Tumulak na sarado ang bahagi ng Cebu-Toledo-Tabunok Road sa Sitio Langoyon, Barangay Manipis.
Ayon kay Tumulak, magsasagawa ng clearing operations ang Department of Public Works and Highways sa nasabing lugar sakaling gumanda na ang panahon.
Inabisuhan naman ng opisyal ang mga motorista na dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta.
Ang pag-ulang nararanasan sa lalawigan ng Cebu ay dulot ng habagat na pinaigting ng low pressure area.