Balik-Julian Felipe Reef na sa bahagi ng West Philippine Sea (WPS) ang ilang Chinese Militia Vessels, sa kabila ng mga inihaing protesta ng gobyerno ng Pilipinas.
Batay sa satellite images mula sa planet labs, mahigit 12 chinese vessel ang namataan sa naturang teritoryong nasa Philippine Exclusive Economic Zone.
Ayon sa US-based Asia Maritime Transparency Initiative ng Center for Strategic and International Studies, kapansin-pansin ang pagdami ng mga barko ng mga Tsino sa nakalipas na tatlong buwan.
Ito, anila, ay kahit nagpa-patrol din ang ilang navy at coast guard vessels ng iba pang claimant sa pinag-aagawang karagatan.
Palipat-lipat lamang ng lugar ang mga chinese vessel lalo kung napapansin na ang kanilang pagtatagal sa isang partikular na teritoryo ng iba pang claimant.
Samantala, sa panig naman ng Pilipinas, sa nakalipas na limang taon ay aabot na sa 153 mula sa 211 diplomatic protests na ang inihain ng bansa ngayon lamang 2021. —sa panulat ni Drew Nacino