Pinunan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang bakanteng pwesto sa gobyerno.
Kabilang dito ang posisyong commissioner sa Energy Regulatory Commission (ERC) at director ng Tourism Promotions Board (TRB).
Itinalaga ng pangulo si Catherine Maceda bilang ERC commissioner para sa pitong taong termino o hanggang Hulyo 2025 at kapalit ni Alfredo Non na nag retiro na sa posisyon nuong Hulyo 10.
Itinalaga rin ng pangulo si Marie Venus Tan bilang director ng TRB kapalit ng aktor na si Cesar Montano na nag resign nuong Mayo 22 dahil sa kontrobersyal na “Buhay Carinderia Project”.
Dalawang retired police generals sa katauhan nina Diosdado Valeroso at Ferdinando Sevilla ang itinalaga ng pangulo sa pwesto.
Si Valeroso ay itinalagang executive director ng Emergency 911 National Office ng Department of Interior and Local Government (DILG) samantalang si Sevilla ay itinalagang vice president for administration ng Philippine Public Safety College.
Pinunan din ng pangulo ang mga bakanteng pwesto sa Department of Environmental and Natural Resources (DENR), Department of National Defense (DND), Department of Finance (DOF), Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Foreign Affairs (DFA).