Ilang bansa sa Europa ang posibleng maging bagong destinasyon ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs.
Ayon sa Philippine Association of Service Exporters Inc. (PASEI), lumalaki kasi ang demand ng mga manggagawang Pinoy sa Europa partikular sa apat na bansa.
Sinabi ni PASEI President Elsa Villa na nakatakda silang magtungo sa Czech Republic, Poland, Germany at Austria upang alamin ang mga posibleng oportunidad na maaaring magbukas para sa mga OFW.
Ilang umano sa mga pangunahing kailangan ng mga nabanggit na bansa ang mga healthcare professional tulad ng nurse at caregiver maging mga karpintero at construction worker.
Nagpaalala naman si Philippine Overseas Employment Administration o POEA Administrator Bernard Olalia na dapat magkaroon ng bilateral agreement sa Pilipinas ang mga nabanggit na bansa bago magpadala ng mga OFW.
Ito ay upang matiyak umano ang kaligtasan ng mga Pilipinong manggagawa habang nagtatrabaho sa kanilang bansa.
—-