Matapos ang Araw ng mga Puso, utak naman ang bumida.
Ito ay dahil sa paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong February 15 sa apat na batas na inaasahang mas magpapalakas sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas.
Isa sa apat na batas na pinirmahan ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11977 na magtatatag sa Pampanga State Agricultural University (PSAU)–Floridablanca Campus. Mag-aalok ang PSAU–Floridablanca Campus ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses na nakatuon sa agrikultura.
Nilagdaan din ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 11978. Magbubukas ito sa Doctor of Medicine program, kabilang na ang Integrated Liberal Arts and Medicine program, sa Don Mariano Marcos Memorial State University–South La Union Campus.
Pagtugon ang batas na ito sa human resource development needs sa rehiyon ng Ilocos. Magkakaroon ng basic science at clinical courses ang programa na may layong lumikha ng mga propesyonal na doktor na magpapalakas sa healthcare system ng bansa.
Sa bisa naman ng Republic Act No. 11979, magiging regular campus na ang Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Parañaque. Kikilalanin na ito bilang PUP–Parañaque City Campus na mag-aalok ng short-term, technical-vocational, undergraduate, at graduate courses alinsunod sa areas of competency at specialization nito. Inatasan din ang naturang campus na magsagawa ng research and extension services at production activities bilang pagsuporta sa socioeconomic development.
Samantala, sa ilalim ng Republic Act No. 11980, palalawakin ang curricular offerings sa Bulacan State University (BulSU) kung saan maaari na itong mag-alok ng advanced education, higher technological, professional courses, at training programs para sa mga kurso gaya ng engineering and technology, arts and sciences, education, agriculture and industrial fields, accountancy, business and public administration, at medicine and allied health.
Nakasaad rin sa batas na maaaring magbukas ang BulSU ng iba pang branch o extension campuses.
Para kay Senator Chiz Escudero, chairman ng Committee on Higher, Technical and Vocational Education, malaking bagay ang mga naipasang batas ni Pangulong Marcos sa patuloy na pagpapalakas ng administrasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Nagpasalamat din si Pampanga 2nd district rep. at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kay Pangulong Marcos sa naging hakbang nito. Naipakita aniya ni Pangulong Marcos ang commitment nito sa pagbibigay ng quality higher education para sa mga Pilipinong mag-aaaral.