Daan-daang pasahero ang naperhuwisyo makaraang ipasara ng MMDA o Metro Manila Development Authority ang ilang terminal ng bus sa bahagi ng EDSA Cubao sa Quezon City.
Personal na binisita ni MMDA Chairman Danny Lim kasama ang mga opisyal ng BPLO o Business Permit and Licensing Office ng Quezon City ang mga terminal bilang bahagi ng kanilang kampaniya kontra kolorum.
Kabilang sa mga ipinasarang terminal ay ang Lucena Lines, ES Transport, Amihan Bus Lines, First North Luzon, Pangasinan Five Star, Cisco Bus Lines, Philtranco at Jac Liner.
Hindi rin pinabiyahe ang fleet ng Golden Bee Bus Lines na nakikisalo lamang ng terminal sa Baliwag Transit sa nasabi ring lugar.
Ayon sa source ng DWIZ, bagama’t nakasunod naman ang ilang terminal sa “Nose In, Nose Out Policy” ng MMDA, sinasabing problema sa permit at prangkisa ng mga bus unit ang naging paglabag ng mga naturang kumpaniya kaya’t naipasara ang kanilang mga terminal.