Nagsimula ng magsara ang mga business establishment sa Boracay, Aklan halos tatlong linggo bago ang 6-month temporary closure ng isla.
Tinatayang dalawandaan walumpung (280) empleyado rin ng isang hotel chain ang tinanggal sa trabaho habang pinauwi na ng iba pang hotel and resort operators ang ilan sa kanilang staff.
Aminado ang isa sa mga resort owner sa Barangay Manoc-Manoc na hindi na nila kakayaning pa-suwelduhin ang ilan sa kanilang empleyado kaya’t nagpasya na lamang na pauwiin ang mga ito sa kani-kanilang bayan sa Aklan.
Sa kabila nito pinili naman ni Ruth Tirol-Jarantilla, owner ng Sea Wind Boracay Resort na panatilihin ang ilan sa kanilang empleyado dahil kapamilya na ang turing nila sa mga ito at malaki ang naitulong upang itaguyod ang kanilang negosyo.
Magugunitang inihayag ni DOLE-Western Visayas Director Johnson Cañete na naghahanda na sila upang umayuda sa labingpitong libo pitundaang (17,700) registered workers na maaapektuhan ng 6-month shutdown.
Libu-libong manggagawa sa Boracay, Aklan ang umaapela ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte bago isara sa loob ng anim na buwan ang isla simula Abril 26.
Kabilang sa mga nagpapasaklolo ang mga nasa informal worker tulad ng mga masahista, tattoo artist at hair stylist.
Aminado ang mga naturang manggagawa na bagaman may inilaang 2 billion peso calamity fund para sa kanila, wala naman anilang katiyakan kung maibabalik ang dati nilang trabaho sa oras na isara ang Boracay.
Nasa 30 billion pesos ang mawawala sa kita ng pamahalaan sa turismo sa Boracay ngayong taon dahil sa 6-month closure upang magbigay daan sa rehabilitasyon ng pangunahing tourist destination ng bansa.
—-